Nagpahiwatig ng tila pagsisisi ang negosyanteng si Antonio "Tony" Tiu sa pagbili ng kontrobersyal na lupain sa Rosario, Batangas na pinaghihinalaang kay Vice President Jejomar Binay.
Sa panayam ng DZMM, nililinaw ni Tiu na binili niya ang lupa mula sa "lehitimong katransaksyon" na isang Laureano Gregorio, na nakilala niya sa pamamagitan ng kanyang kaklase at ngayo'y abogado na si Martin Subido.
Nakita na anya niya nang personal si Gregorio at may patunay ito na siya ang lehitimong may-ari ng 145-ektaryang lupain.
Nais gawin ni Tiu na Sunchamp Agri-Tourism Park ang lupain.
Nang tanungin ukol sa posibleng koneksyon nina Binay at Gregorio at kung dummy ba ang huli, blangko ang sagot ni Tiu bukod sa nakilala niya ito dahil kay Subido.
"Kung alam ko lang na ganu'n kalaking gulo, e hindi ako papasok sa ganitong transaksyon," pahayag ni Tiu.
Naniniwala si Tiu na dapat lumutang na si Gregorio para magbigay-linaw sa kontrobersya.
Matatandaang sa pagharap sa Senado, inamin ni Tiu na tanging P11 milyon pa lamang sa P446 milyong halaga ng lupain ang kanyang nababayaran pero batay sa kasunduan, kanya na ang 'usufruct' sa property o karapatan para gamitin ito.
Giniba ito ng mga senador sa pagsasabing hindi napatunayan ni Tiu na kanya ang lupa sa ngayon dahil wala itong transfer certificate title (TCT) ng lupain.
Sa panayam pa kay Tiu, sinabi nitong mula nang i-launch ang Sunchamp Agri-Tourism Park noong Agosto 5, "hindi pa ho tayo nakakabuwelo, tinamaan na tayo ng controversy."
Inaasahang patuloy pang sasagot ang Sunchamp at si Tiu sa usapin dahil sa patuloy na pagdinig ng Senado at paglabas pa ng ibang sangay na usapin sa lupain.
Sa exklusibong ulat ng ABS-CBN News, napag-alamang nakapangalan pa rin sa ibang indibidwal ang ilang bahagi ng Sunchamp dahilan para maging kwestyunable pa rin, ayon sa batas, kung sino ang tunay na nagmamay-ari ng lupain.
Sa ngayon, naninindigan si Tiu na kanya ang lupain at tanging katotohanan lamang ang kanyang sinasabi. - By Leo Humangit, dzmm.com.ph
0 comments: